Paalam,Lola.

Gusto ko sanang sabihin: bakit hindi mo hinintay lumabas si Panday? Pasabog ang pagsasara ng taong ito at ang taong darating - limang apo sa tuhod ang paparating. Bakasakaling nen user ka gaya ni Kite ng Hunter X Hunter na nagawang ilipat ang ispiritu nya sa isang bagong silang na bata. Bakasakali lang naman. Rock and roll siguro yun - isang batang mahilig maglaba, magaling magmanicure, pedicure, at mabunganga.

Hindi ko pa rin maisip na wala ka na. Noong linggo lang, huli kitang nakita. Hawak mo ang aking kamay, pinipindot na parang nagpa-pass the message tayo. Hindi ka na kasi makapagsalita tapos ng second mild stroke mo. May lungkot sa iyong mga matang may nais ipahiwatig, may nais sabihin na di ko ma-decipher sa pass the message session natin. Sinusubukan mo bang sabihin kung ano ang ipapamana mo sakin?

Naisip ko, hindi ko na matitikman nag diningding mo. Hindi na magiging singlinis ng dati ang mga kuko ko. Wala nang magbubunganga sa akin tuwing uuwi ako. Mababawasan ang manghihingi sa akin ng allowance at mababawasan ang pasasalubungan ko pag tinoyo ako. 

Siguro, ngayon ang akma, kung hindi tamang panahon na lumisan ka. Kung hindi ngayon, kailan? Birthday ni kuya next week. Birthday ko ilang linggo mula ngayon. Sana inantay mo ang susunod mong birthday. Sana inantay mo ang pasko, ang bagong taon. Sana inantay mo ang bukang liwayway, ang susunod na supermoon o superbagyo o leap year hanggang magcelebrate na tayo ng centennial year mo sa mundo. 

Sana inantay mong handa akong mawala ka bago ka nawala. 


Comments

Popular Posts