Yakapin na natin ang Sigarilyo.

 

Sinindihan ko ang ika-hindi ko na alam pang-ilang yosing sabi ko, last na. Pero eto pa rin ako, reliving the moment na nakita ko ang nanay kong nakaupo sa inidoro, habang kami ni kuya,nakatingin sa kanya,  naghihintay ng sagot sa tanong na: bakit kayo nag-away ni papa?

 

Angtagal ko na gustong tigilan to. Wala naman sigurong batang nangarap na 'paglaki ko, gusto kong maging chainsmoker. Naalala ko pa nga yung unang sigarilyong niyosi ko. DJ Mix. Kaha kaha pa nun. 75 Pesos. Andun kami sa SM Centerpoint. Pa-cool sa may Figaro. Umorder ako ng Strawberry Shake nila. Humithit ng Strawberry flavored DJ Mix. Yung mga sumunod, paisa-isang pirasong Philip Morris dahil yun ang stash sa bahay.

 

Ewan ko ba kung bakit I felt a sense of accomplishment tuwing masisindihan ko ang sigarilyo. At some point bumabalik ako sa memoryang nakaupo ang nanay ko sa inidoro, sumindi ng sigarilyo, at hinayaan kaming mawala sa gitna ng makapal na usok ng hindi paggamit sa kani-kaniyang boses. Na baka kapag nanigarilyo ako, tapos na. Sa limang minutong paninigarilyo, nabubura na ang ala-ala, walang nangyari, walang trauma. Wag mo akong kausapin. Wala na tayong dapat pag-usapan pa.

 


Hindi ko na pipigilan ang paninigarilyo. Baka nga kailangan ko talaga siyang makasama sa lifetime na ito. Ayoko nang bigyan ng resistance, kusa naman sigurong mawawala yan kapag niyakap ko na siya, na parang mga tao sa buhay ko na hindi ko na kailangan pang dalhin, kahit gusto ko pa sana.

https://www.facebook.com/TambayMovie

 

Ngayong sinusulat ko ito, parang gusto ko na munang interviewhin ang Marlboro Red na inipit ko sa aking daliri. “Paano kung wala ka? Paano kung sa halip na nagyosi si mama, niyakap niya kami, ipinakitang nasasaktan siya, pinaramdam sa amin na mahina siya at ok lang naman maging mahina at yakapin ang emosyon kesa pigilan, diba?”

 

Maybe one day, mapapagod na rin ako sa paulit-ulit na kwento ko tungkol sa paninigarilyo. Maybe one day, hindi na ako matakot ilabas ang nilalaman ng puso ko. Na hindi ko kailangang ipakita na malakas ako, o pa-cool, o sa isa akong proud contributor of air pollutants on this earth, maybe one day masasabi ko sa Marlboro Red: Ay no, pagod na akong buhatin ang alaalang namagitan ka sa pag-ibig at pagkalinga na ibibigay ko sana sa aking ina sa mga panahong kailangan niya. At ako, hindi ko na ipagdadamot sa sarili ko ang totoo, ang unfiltered emotions ko na hindi kailangang magkubli sa likod ng makapal mong usok.

 

Mabibitawan din kita, gaya ng maraming iba pa. Pero habang hindi pa, dito ka na muna.

Comments

Popular Posts