Letters to Pag-ibig
Aking Pag-ibig,
Hindi pa rin tayo nagtagpo. Marahil sa gilid ng ating mga mata habang naglalakad sa isang maingay na kalsada, nagtama ang ating tingin at sa isang mabilis na iglap, isang sandali – tapos na.
O marahil nakita rin kita sa isang iglap, sa isang sandali – mula sa balintataw ng maling tao, nakita ko na ako’y sayo. At sa lahat ng maling yun, napagtanto kong hindi na ako tatanggap ng konting ikaw sa isang maraming mali.
Marahil. Marahil.
Ayoko munang isipin ang mga araw na dako pa roon. Ang mahalaga, ang ngayon, ang tahimik na patlang ng hindi mo pa pagdating.
Naniniwala ako na ang lahat ng ito ay paghahanda sa ating pagkikita. Hindi na ako tatanggap ng hindi buong ikaw. Hindi ako magmamakaawang dumating ka na, sa halip, sa patlang na ito, unti-unti kong kikilalanin ang sarili ko. Kung ano ba talagang gusto, at ayaw ko. Gusto kong kilalanin, at patawarin ang lahat ng aking multo at maging kakampi sila sa labang ito –
Kaya, wag muna. Marami pa akong sugat na kailangang hanapin, ariin, at pagalingin.
At kung may nanaisin ako, sana, habang hindi ko pa alam kung paano ako mahalin ng buo, mahalin mo rin muna ang sarili mo.
Dadating ang araw na iyon. Kung paanong bigla na lang, sa pagitan ng mga bagay na parati naman nating ginagawa, magtatama ang ating mga mata sa gitna ng isang maingay na kalsada, at hindi na tayo titingin sa iba pa.
Sa araw na yun, handa na tayo. Wala tayong bitbit na hinanakit sa nakaraan. Sa lahat ng mali, sa wakas, binibigyan ko na ng kahulugan ang tama.
At alam ko, pag dumating na ang araw na yun, magsusulat pa rin ako, forever.
Comments
Post a Comment